MANILA, Philippines – IPINAHAYAG ng Bureau of Immigration (BI) na nakuha na nila ang mga detalye ng umano’y Chinese spy na nagsagawa umano ng espionage activities sa Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na sa pagberika sa kanilang mga rekord, nakuha nila ang mga detalye ng suspek.
Nabatid sa BI na ang hindi pinangalanang 39-anyos na lalaking Chinese ay bumiyahe sa loob at labas ng Pilipinas mula noong 2015 at napaulat na ikinasal sa isang Pinay.
Sinabi ni Viado na ibinahagi nila ang impormasyon sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) para suportahan ang imbestigasyon laban sa dayuhan.
Sinabi ng BI Chief na sisimulan na nila ang deportation proceedings laban sa Intsik para madagdagan pa ang iba pang kasong isasampa laban sa lalaki sa lokal na lugar.
Nilinaw ng opisyal na hindi sila magpapatupad ng deportasyon hangga’t hindi nareresolba at naisisilbi ang lahat ng lokal na pananagutan at parusa laban sa dayuhan.
“We will ensure that we will identify any foreign cohorts that might be in the country assisting him,” ani Viado. “These alleged spies have no place in the President’s Bagong Pilipinas. They will face serious punishment for their crimes,” babala pa ng BI chief. RNT