MANILA, Philippines – NAKATUTOK ang gobyerno sa pagtugon sa bullying incidents sa gitna ng pagbubukas ng klase para sa School Year 2025-2026.
”Tinututukan namin ‘yung mga cyberbullying, ‘yung mga bullying dahil nagiging malaking problema, mental health problem ng mga bata dahil hindi maayos ang patakbo, talagang may bullying, hindi sila nakakapag-aral nang mabuti,” ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga mamamahayag.
Inihayag ito ng Pangulo matapos inspeksyunin ang pagbubukas ng klase sa Epifanio Delos Santos Elementary School, kasama si Education Secretary Sonny Angara.
Maliban sa pagbisita sa mga silid-aralan at pagbati sa mga mag-aaral, nagkaroon ng reading session ang Pangulo kasama ang mga estudyante.
Ipinag-utos din ng Pangulo sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na palawakin ang internet coverage sa mga public schools, ikinalungkot na 60% lamang ang access sa connectivity.
“Sinabihan ko ang DICT, sinabi ko palawakin niyo ang internet coverage. Sa ngayon, ang eskwelahang may internet lamang ay around 60%, napakababa,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang panayam matapos nitong bisitahin ang Epifanio Delos Santos Elementary School sa Malate, sa Maynila, araw ng Lunes, para sa pagbubukas ng klase para sa school year 2025–2026.
Ginaratantiya naman ng Pangulo na ang buo niyang administrasyon ay nakasubaybay sa bawat situwasyon pagdating sa pagbubukas ng klase.
”Lahat talaga ng departamento hanggang sa Office of the President ay nakabantay ngayon sa inyo dahil ito na ang pinakamahalaga naming ginagawa,” ang sinabi ng Pangulo.
Titiyakin naman ng Department of Health na available ang health facilities para matugunan ang medikal na pangangailangan ng mga estudyante.
Pananatilihin naman ng Department of Trade and Industry ang affordable price para sa mga school supplies para pagaanin ang pasanin ng mga magulan at estudyante.
Samantala, hiniling naman ni Pangulong Marcos sa mga guro na i-report sa kinatawan ng Department of Education ang kanilang alalahanin at pangangailangan ng kanilang eskuwelahan. Kris Jose