Home HOME BANNER STORY Kaso ng mpox sa bansa, nadagdagan ng 2; nagmula sa Metro Manila

Kaso ng mpox sa bansa, nadagdagan ng 2; nagmula sa Metro Manila

MANILA, Philippines – Dalawang karagdagang kaso ng mpox ang natukoy sa Pilipinas, kaya umabot na sa 12 ang kabuuang kaso, sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Lunes, Agosto 26.

Sinabi ng DOH na ang ika-11 kaso ay isang 37-anyos na lalaki mula sa National Capital Region (NCR) na nakapansin ng mga sintomas simula noong Agosto 20, partikular ang pantal sa kanyang mukha, braso, binti, thorax, palad, at talampakan.

Base sa inisyal na imbestigasyon, ang kaso ay walang alam na pagkakalantad sa sinumang tao na may katulad na mga sintomas, “ngunit inamin na may intimate at skin-to-skin contact sa loob ng 21 araw bago magsimula ang kanyang mga sintomas.”

Siya ay na-admit sa isang ospital ng gobyerno noong Agosto 22, kung saan kinuha ang isang sample ng balat mula sa kanya at pagkatapos ay nasuri sa DOH Research Institute for Tropical Medicine (RITM). Ang pasyente ay nananatiling naka-confine sa ospital, sabi ng DOH.

Sa kabilang banda, ang ika-12 na kaso ay isang 32 anyos na lalaki mula NCR na may sintomas na nagsimula noong Àgosto 14. Napansin niya ang mga sugat sa balat o malinaw, puno ng likido na mga vesicle sa kanyang singit. Makalipas ang ilang araw, nagsimula ang kanyang lagnat.

Ang naturang kaso ay umamin din na nagkaroon ng close, intimate at skin-to-skin contact sa isang sexual partner.

Ayon sa DOH, una nang humingi ng konsultasyon ang kaso sa isang outpatient clinic kung saan naisip na mayroon siyang bacterial infection.

Gayunpaman, pagkatapos ng ilang araw, nagsimula siyang magkaroon ng mga sugat na parang tagihawat sa mukha, noo, at anit.

Pagkatapos ay pinayuhan ang pasyente na humingi ng konsultasyon sa isang ospital ng DOH kung saan kinuha ang isang sample ng balat noong Agosto 23. Siya ay nasa home isolation mula noon.

Sa gitna ng pagkakatuklas ng dalawang bagong kaso, tiniyak ng DOH sa publiko na ang pinakabagong mga pasyente ay nahawahan din ng MPXV Clade II, na isang mas banayad na anyo ng mpox virus.

Sa 12 kabuuang kaso, siyam ang matagal nang nakarekober mula noong 2023 habang ang natitirang tatlo ay “mga aktibong kaso na naghihintay para sa pagresolba ng mga sintomas.”

Samantala, hindi naman kinumpirma o itinanggi ng DOH ang kumakalat na post tungkol sa hinihinalang kaso ng mpox sa Northern Samar.

Gayunpaman, naglabas ang ahensya ng isang pahayag na nagsasabi na maraming mga sakit sa balat na maaaring malito sa mpox, tulad ng bulutong-tubig, shingles, o herpes.

Bukod dito, sinabi ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo na hindi pa nila matukoy ang anumang epidemiologic linkage ng dalawang bagong kaso sa ika-10 kaso, na nakita rin ngayong buwan.

Ang ika-10 kaso ay isang 33-taong-gulang na lalaking Filipino na walang kasaysayan ng paglalakbay sa labas ng Pilipinas “ngunit may close,intimate na pakikipag-ugnayan tatlong linggo bago magsimula ang sintomas.”

Sinabi ng DOH na maaaring magkaroon ng mpox ang sinuman at ang virus ay naipapasa sa tao sa pamamagitan ng close at intimate contact sa ibang tao na infected sa pamamagitan naman ng kontaminadong materyal tulad ng damit, untensils o nahawaang hayop.

Payo ng DOH sa publiko, gumamit ng sabon at tubig upang mapatay ang virus at gumamit ng gloves kapag naghuhugas ng kontaminadong gamit o materyal.

Sinabi ng DOH nitong Huwebes na nagpahiwatig na ito ng layunin mula sa World Health Organization (WHO) na makakuha ng access sa mga bakuna sa bulutong upang makatulong na maprotektahan laban sa mpox virus.

Nauna nang sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na ang Pilipinas ay nasa proseso ng pag-secure ng 2,000 doses ng mpox vaccines na iniaalok sa bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden