MANILA, Philippines -Umabot na sa sampung kaso ng Monkeypox o Mpox ang naitala sa loob lamang ng dalawang buwan mula Abril hanggang Mayo 31,2025 sa Davao Region.
Sa ulat ni DOH Regional Office 11 spokesperson Sofia Corazon Zafran, kabilang sa mga nairekord na kaso ng Mpox ay anim mula sa Davao City nitong Abril habang apat pang mga bagong pasyente ang kasalukuyang isolated at sumasailalim sa masusing monitoring matapos na ma-expose sa mga nagpositibo sa virus.
Sinabi ni Zafran na ang nasabing mga pasyente ay nasuri ng mga specialist at nagpositibo sa Mpox ¬virus.
Patuloy naman ang contact tracing sa mga nakasalamuha ng mga ito upang alamin kung may sintomas ang mga ito ng Mpox virus.
Nakapagtala rin sa Davao de Oro ng tatlong kaso ng Mpox kung saan dalawang pasyente ang nakarekober na habang isa ay patuloy na ginagamot.
Isa pang kaso ang naiulat naman sa Magsaysay, Davao Del Sur habang wala namang naitalang kaso ng Mpox sa Davao del Norte at Davao Oriental.
Ayon kay Zafran, ang Davao Region ay binubuo ng limang lalawigan na may 43 na mga bayan at anim pa na mga lungsod. Ang rehiyon ay may kabuuang 1,162 na mga barangay.
Paalala ni Zafran sa publiko na mahalaga na panatilihin ang minimum health standards upang mapigilan ang pagkalat ng Mpox tulad ng physical distancing na two meters ang layo sa bawat isa, iwasan rin ang intimate na kontak sa indibiduwal na may sintomas at ugaliin ang maayos na hygiene sa katawan. Jocelyn Tabangcura-Domenden