Home NATIONWIDE Kaso ng pertussis sa Pinas 1,566 na

Kaso ng pertussis sa Pinas 1,566 na

MANILA, Philippines- Patuloy na tumataas ang bilang ng kaso ng pertussis matapos makapagtala ng mahigit 1500 ang Department of Health (DOH).

Sinabi ni DOH Assistant Secretary Albert Domingo na noong April 13, kabuuang 1,566 pertussis cases na ang naitala sa buong bansa pagpasok ng taon kung saan hindi na nakikita ng Kagawaran ang pagbaba ng kaso.

“Ang pertussis or ang tusperina, nasa upward trend pa rin tayo. Hindi pa natin nakikita ang downward trend. Inaantay pa natin na pumasok ‘yung epekto ng pagba-bakuna,” sabi ng DOH .

Sa Quezon City, naunang nagdeklara ng outbreak ng respiratory disease, sinabi ni Domingo na may kabuuang 19 kaso ang naitala noong Abril 13, at dalawang nasawi na ang nakumpirma.

“The good news in Quezon City is our mayor is very proactive and responsive to the incident, to the outbreak of pertussis in Quezon City and nako-control ito [and the disease is being controlled],” dagdag pa ni Domingo.

Inaasahan ng DOH ang pagdating ng tatlong milyong dosis ng bakuna na maaaring magbigay ng proteksyon laban sa pertussis “sa lalong madaling panahon.”

Bukod pa riyan, nakakuha din ang DOH ng karagdagang 5.1 milyong dosis ng bakuna.

Nauna nang sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na may kakulangan sa pentavalent vaccine sa Mayo dahil mauubos na ang stocks ng gobyerno. Jocelyn Tabangcura-Domenden