MANILA, Philippines – Umapela si OFW party-list Representative Marissa Magsino sa bagong liderato ni Indonesian President Prabowo Subianto na tignan ang kaso ni Overseas Filipino Worker Mary Jane Veloso na una nang nasintensyahan ng parusang kamatayan sa kasong drug trafficking noong 2010.
“Sa bagong liderato ng Indonesia, sana po mapakinggan niyo po, malaman niyo naman po sana on the other, side kung ano ba ang dahilan, ano po yung tunay na pangyayari, ano yung true facts tungkol dito kay Mary Jane,” pahayag ni Magsino.
“Sa ganoon huwag naman ma-solo niya itong burden ng proof ng kanyang innocence at huwag naman ma solo yung parusa na harinawa po, magawan ng paraan,” giit pa nito.
Matatandaan na nitong Enero ay nagpadala ng sulat ang pamilya ni Veloso kay dating Indonesian President Joko Widodo gayundin ay humihiling ng clemency si Pangulong Ferdinand Marcos Jr subalit walang naging tugon ang Indonesian government.
“Napaka bata pa po niya, meron pa siya future with her family. Sana naman po mabigyan ng panibagong buhay, bagong pag-asa si Mary Jane. We will be looking forward and praying na kung ano man yung justice na nararapat sa kanya ay maibigay po natin dito sa bagong liderato ng Indonesia,” paliwanag ni Magsino.
Noong 2015, ay ginawaran ni Widodo si Veloso ng “temporary reprieve” sa kanyang nakaiskedyul na execution.
Si Prabowo ay nanumpa bilang Pangulo ng Indonesia noong araw ng Linggo kung saan dumalo sa kanyang inagurasyon sina Pangulong Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos. Gail Mendoza