Home HOME BANNER STORY Kaso ni Sarah Discaya, lilitisin sa Cebu

Kaso ni Sarah Discaya, lilitisin sa Cebu

307
0

MANILA, Philippines – Inaasahang darating sa Cebu ngayong Biyernes, Disyembre 19, si contractor Cezarah “Sarah” Discaya matapos ilipat ng Korte Suprema (SC) ang mga kasong may kaugnayan sa flood control project laban sa kanya at ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) mula Davao Occidental patungo sa isang korte sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Ang kaso ay hahawakan ng Branch 27 ng Regional Trial Court (RTC) ng Lapu-Lapu City.

Si Discaya at ang iba pang akusado ay nahaharap sa mga kasong malversation of public funds at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act kaugnay ng problema sa flood control project sa Davao Occidental.

Ang parehong korte rin ang naglabas ng warrant of arrest laban sa mga suspek, na ipinatupad ng National Bureau of Investigation (NBI) noong Huwebes, Disyembre 18.

Ang warrant ay nagmula sa mga kasong graft at malversation na isinampa ng Office of the Ombudsman laban kay Discaya at siyam pang iba kaugnay ng P96.5-milyong flood control project sa Jose Abad Santos, Davao Occidental na nabayaran na nang buo ngunit hindi naman naitayo.

Noong Disyembre 9, kusang-loob na sumuko si Discaya sa NBI, kasabay ng unang pahayag ni Pangulong Marcos na ilalabas na ang mga warrant of arrest laban sa kanya at sa mga kapwa akusado.

Ayon kay Supreme Court spokesperson Camille Ting, alinsunod ito sa mga patakaran ng SC na nagsasaad na ang mga kasong may kinalaman sa korapsyon sa mga proyektong pang-imprastraktura ay dapat ilipat sa pinakamalapit na itinalagang anti-graft court sa pinakamalapit na rehiyong hudisyal.

Dagdag ni Ting, ang pagpapasya kung alin ang pinakamalapit na rehiyon ay ginagawa ng presiding o executive judge na may hawak ng kaso.

Nauna nang nagtalaga ang SC ng ilang RTC upang humawak ng mga kasong anti-graft.

Sa kasalukuyan, nananatili si Discaya sa kustodiya ng NBI habang hinihintay ang paglabas ng mga kaukulang warrant of arrest mula sa mga korte kung saan isinampa ang mga kaso laban sa kanya. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here