MANILA, Philippines – Sinabi ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Pastor Apollo Quiboloy nitong Sabado, Abril 6 na handa niyang harapin ang mga kaso sa bansa kung magbibigay ng ‘written assurance’ ang administrasyong Marcos na hindi nito papayagan ang Estados Unidos na makialam sa kanyang legal battle sa Pilipinas.
“Bigyan ninyo ako ng garantiya na hindi mangingialam ang mga puti sa kasong ito sa Pilipinas. Hindi mangingialam ang FBI (Federal Bureau of Investigation), ang CIA (Central Intelligence Agency), ang US Embassy,” ani Quiboloy sa audio statement na iniulat ng SMNI.
“Bigyan ako ng garantiya ng Presidente ng Pilipinas. Bigyan ako ng garantiya ng secretary of Department of Justice, [Crispin] Boying Remulla. Written po ‘yan ha, written… na hindi mangingialam ang Amerikano at walang mangyayaring extraordinary rendition. Ako po ay lilitaw at haharapin ko ang lahat ng kasong iyan kahit saan ninyo dalhin dito sa Pilipinas,” dagdag pa ni Quiboloy.
Nais din ni Quiboloy na siguruhin ito nina Philippine National Police (PNP) chief Police General Rommel Francisco Marbil, National Bureau of Investigation (NBI) Medardo de Lemos, at pinuno ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), na si Police Major General Romeo Caramat Jr.
Wala pang tugon ang Malakanyang sa hiling ni Quiboloy.
Matatandaan na inakusahan ng “Appointed Son of God” ang pamahalaan ng Estados Unidos na nakikipagtulungan sa pamahalaan ng Pilipinas na idispatsa siya sa pamamagitan ng mga kasong kinakaharap niya sa US.
Aniya, sa tulong ng administrasyong Marcos ay target umano ng CIA at FBI na magsagawa ng “extraordinary rendition” sa kanya sa halip na extradition.
“Dapat malaman ninyo na itong kaso kong ito, complicated sapagkat dalawang bansa ang nagkasabwat. Bansang puti at bansang Pilipino ang nagsabwatan para ako’y damputin. At ang endgame ay extraordinary rendition, which may be kidnapping and which may be assassination,” ani Quiboloy.
Kamakailan ay isinilbi na ng mga awtoridad ang warrant of arrest na inilabas ng regional trial court ng Davao City laban kay Quiboloy at lima iba pa dahil sa reklamo ng child abuse.
Apat sa mga akusado ay kusang sumuko habang ang isa pa, si Cresente Canada, ay naaresto ng mga tauhan ng NBI.
Naghain ng bail ang lima ngunit si Quiboloy ay nananatili pa ring “at-large.”
Bukod sa arrest warrant ay nag-isyu ang Senado at Kamara ng mga subpoena laban kay Quiboloy na layong padaluhin siya sa magkahiwalay na pagdinig. RNT/JGC