Home OPINION KASONG KRIMINAL, ATBP SA P632B BADYET NA UNCONSTITUTIONAL

KASONG KRIMINAL, ATBP SA P632B BADYET NA UNCONSTITUTIONAL

2
0

MAKARAANG ideklara ng Supreme Court en banc ang 2024 at 2025 General Appropriations Act (GAA) o pambansang badyet at ang 2026 GAA nang bahagya, iniatas din nito na dapat managot sa sari-saring kaso ang mga may kagagawan ng mga ito.

Tinukoy ng SC ang mga may kagagawan na “authors, proponents, or implementors.”

P632.14B NA PINAGKIKBAKAN?

Sa loob ng nasabing tatlong taon, umabot ang kabuuang halaga na P632.14 bilyon ang idineklarang labag sa Konstitusyon at posibleng “pinagkikbakan” ng authors, proponents, or implementors.

Una ang P449.5B na nakita sa 2024 GAA na inilipat mula sa programmed funds patungo sa unprogrammed funds para pondohan ang paboritong programa/proyekto para sa Sagip (Sagip Saka, Sagip Trabaho), Support to Foreign Assisted Projects, DPWH basic infrastructure programs (BIP), Sustainable Infrastructure Projects Alleviating Gap (SIPAG), DOH’s medical assistance to indigents, DSWD’s Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) and DOLE’s Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged or Displaced Workers Program (TUPAD).

Ikalawa ang P17.99B para sa DPWH Special Road Fund noong 2025 GAA.

Ikatlo ang P150.9B ngayong taon 2026, sa ilalim ng Special Provisions 1(a) and (b) of Chapter XLIII ng GAA at binubuo ng P97.3B para sa foreign-assisted projects (FAPs), P50B revised Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program at P3.6B risk management provisions laban sa ‘di matukoy na pangangailangan.

Ikaapat ang P12.75B para sa Special Accounts in the General Fund (SAGF) ng ilang ahensya para sa 2026.

Gayunman, hindi na isinali ang mga Sagip program sa 2026 GAA.

Lumilitaw na minaniobra ang mga nasabing halaga pangunahin sa bisa ng Bicameral Conference Committee o kilala sa tawag na Bicam.

Sabi ng SC, sa halip na plantsahin lang ng Bicam ang hindi nagtutugma-tugmang mga bersyon ng Kamara at Senador sa mga panukalang badyet, anak ng tokwa, minaniobra ng mga mambabatas ang paglalaan at paggagamitan ng mga badyet.

Alam na dis, ‘ika nga ni Yorme Isko ng Maynila.

LABAG SA KONSTITUSYON

Itinuring na labag sa Konstitusyon ang nasabing mga pondo dahil pawang itinaas nang lagpas sa itinakdang mga badyet ng ehekutibo o Palasyo sa ilalim ng National Expenditure Program o NEP.

Sa pinakamalaking bahagi, lumampas sa halaga ng NEP ang mga GAA.

Sinasabi 1987 Philippine Constitution (Article VI, Section 25[1]) na hindi pupwedeng sobrahan ang nakalagay sa NEP para sa operasyon ng pamahalaan ngunit nilaban ito ng mga mambabatas.

Isa pa, natagpuang puno ng lump sums o buuang halaga at walang tiyak na paglalaanan ang mga pondo at ipinasakamay sa Palasyo ang pagdedesisyon kung kanino ipahahawak at kung kanino o saan gagamitin ang mga ito.

Hindi naman umano labag sa Konstitusyon ang pagkakaroon ng unprogrammed funds pero kung mahahaluan na ito ng mga maniobra para may kumita o kumikbak, ibang nang usapan ito.

Kaya sa huli, sinabi ng SC nadapat umanong managot ang mga halang ang bituka ngunit hindi ang mga gumawa ng mga GAA in “good faith.”

Dapat umanong masampahan ng mga kasong kriminal, sibil at administratibo ang mga awtor, nagpanukala at nagpatupad ng mga lumabag sa Konstitusyon saka pinagbawalan na ang paglalabas ng anomang natitirang pondo para sa P150.9B Special Provisions 1(a) and (b) of Chapter XLIII.

Sey n’yo, mga Bro?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here