Home NATIONWIDE Kasunduan ng DENR sa SBSI, kinansela na

Kasunduan ng DENR sa SBSI, kinansela na

MANILA, Philippines – SINABI ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga nitong Lunes, Abril 8 ang pagkansela ng PACBRMA (Protected Area Community-Based Resource Management Agreement) kasama ang kontrobersyal na komunidad ng Socorro Bayanihan Services Incorporated (SBSI) sa Siargao.

Sa press conference, sinabi ni Loyzaga na kinansela ng DENR ang PACBRMA sa SBSI dahil sa paglabag sa mga probisyon ng tenurial instrument na iginawad noong Hunyo 2004 na sumasaklaw sa 353 ektarya sa Siargao Island Protected Landscape and Seascape (SIPLAS) sa Surigao del Norte.

Kinansela ng DENR aniya ang PACBRMA No. 74007 na pinasok sa SBSI, na binanggit ang mga paglabag na kinabibilangan ng pagtatatag ng settlement/residence sa lugar ng PACBRMA, ang pagtatatag ng mga checkpoints na mahigpit na nagre-regulate sa pagpasok ng mga hindi miyembro, hindi pagsumite ng kinakailangang buwanan, quarterly, o taunang ulat tungkol sa pagpapatupad ng Community-based Resource Management Plan (CRMP), pagtatatag ng mga imprastraktura tulad ng mga bagong access road, communal quadrangle na may basketball court, volleyball court, at isang stage na may bleacher, wave pool, recording studio , istasyon ng radyo, gymnasium/dome, landscaping, at mga monumento na hindi kasama sa CRMP.

“Protected areas are critical habitat (of endangered species). The improvements are not part and parcel of their (SBSI) privileges,” sabi ni Loyazaga na ang tinutukoy ay ang pinamumunuang komunidad ni Jey Rence B. Quilario, na mas kilala sa kanyang alias Senior Agila, SBSI president, ay naglagay pa ng wave pool sa lugar.

Si Señor Agila ay naging paksa ng mas malawak na atensyon ng publiko noong Setyembre 2023, nang ang grupo sa ilalim ng kanyang pamumuno ay humarap sa mga paratang ng sekswal na pang-aabuso at sa pagiging isang kulto.

Sinabi ni Loyzaga na ang DENR ay nakikipagtulungan sa Department of Justice (DOJ), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at pamahalaang panlalawigan mula nang masuspinde ang nasabing PACBRMA noong Setyembre 2023.

“Its a unique situation (and) also have a social issues. Meron ding psycho-social violations. We have to work on (SBSI) integration, find ways for the community to have a relocation (housing settlement),” paliwanag pa ni Loyzaga.

Idinagdag niya na sa kasalukuyan, ang collaborative team (mga ahensya tulad ng DSWD, DILG atbp.) ay nagtatrabaho sa reintegration at resettlement ng mga apektadong residente dahil mayroong 404 na kabahayan ng ‘tenured migrants’ sa nasabing PACBRMA area na ililipat.

Ang PACBRMA ay isang kasunduan na pinasok ng at sa pagitan ng DENR at ng mga organisadong tenured migrant na komunidad o mga interesadong katutubo sa mga protektadong lugar at buffer zone na may terminong dalawampu’t limang (25) taon at nababago sa isa pang dalawampu’t limang (25) taon. Santi Celario