
KAHIT saan sa United States, katakot-takot na takot ang nararamdaman ng mga Filipino sa patakarang deportasyon ng administrasyon ni US President Donald Trump.
Kabilang sa mga kinatatakutan at nakahihiyang kalagayan ng deportasyon ang pagposas sa kamay at kadenang bakal sa paa sa mga pinalalayas gaya ng nangyari sa mga taga-Colombia at India.
Walang sinasanto na dayuhan ang mga Kano, kahit pa ang mga nakakuha na ng citizenship sa bisa ng birth right at ligal na proseso.
Sa birth right, awtomatik na American citizen ka ‘pag ipinanganak ka roon at sa ligal na proseso, dumaan ka sa lahat ng hakbang bago ka mabigyan ng karapatang maging Kano.
Basta may rekord kang kriminal o anomang paglabag sa batas-US, kandidato ka sa deportasyon.
MAHIRAP LUMUSOT
Napakahirap lumusot sa lambat ng mga ahente ng Department of Homeland Security o DHS at Immigration and Customs Enforcement o ICE.
May 13 milyong iligal na dayuhan, kasama ang 350,000 Pinoy at maraming may criminal record na naging US citizen.
Kapag tsinutso ka ng mga Kano o kapwa nila mga dayuhan, lagot ka sa taga-DHS o ICE.
Naririyan din ang bigla ka na lang hanapan ng ligal na papeles sa paninirahan kahit saan ka matagpuan – sa kalsada, sa trabaho, sa mga pagtitipon at iba pa.
Katu-katulong ngayon ng DHS at ICE ang mga Big Tech o kompanyang nasa social media at iba pang data broker kung tawagin sa paglalabas ng rekord ng mga dayuhan.
Kaya kapag nagkaroon ka, halimbawa, ng account sa social media, malalaman ang iyong tunay na nasyonalidad, pangalan, tirahan, trabaho o ginagawa, kalusugan, edukasyon, insurance, pinansya.
Gayundin kung mayroon kang telepono, sasakyan o metro ng kuryente o tubig.
Malalaman din ang iyong ang iyong “facial images, voice prints, medical information, pregnancy and births” at Deoxyribonucleic acid o DNA.
Basta na lang nangre-raid din ang DHS at ICE sa tinatawag na sanctuary areas gaya ng mga eskwela at simbahan.
Ganyan katindi ang paghahanap ng gobyernong Trump sa mga dayuhang sa paniniwala nila ay “undesirable alien.”
May mga dahilan ang gobyernong Trump.
Una, laban umano ang deportasyon sa malaganap na droga at opioid na galing sa ibang bansa na pumapatay sa libo-libong Kano taon-taon gaya ng 112,582 namatay noong 2022 at 110,037 noong 2023.
May adik ding 48.5 milyon na edad 12 pataas nitong Disyembre 2024.
Ikalawa, sa patakarang America First, gusto ni Trump na unahing bigyan ang mga Kano ng trabaho o pagkakitaan na nasa kamay ngayon ng nasa 13 milyong iligal na dayuhan at makatipid na rin sa mga serbisyong pulis, tubig, kuryente, benepisyong sosyal at pangkalusugan at iba pa na umaabot sa bilyon-bilyong dolyar.
AKSYON NG PAMAHALAANG PINAS
Kumikilos na ang lahat ng embahada at konsulad ng Pilipinas para sa proteksyon ng mga Pinoy, kasama na ang pag-ayuda sa mga palalayasin.
Sa laki ng gastos at kakailanganing tao para sa mahigit 350,000 Pinoy na posibleng mapalayas, nasaan ang sapat na paghahanda ng ating gobyerno?