MANILA, Philippines – Siniguro ng Philippine National Police (PNP) sa publiko na handa na ito sa pagbibigay ng seguridad sa panahon ng kampanya para sa senatorial candidates at party-list groups na magsisimula ngayong araw, Pebrero 11.
“Aasahan po natin na yung security coverage po natin sa mga inaasahan pong influx ng mga national candidates po natin from the National Capital Region down to Visayas and Mindanao ay naka-ready po yan,” ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo.
Dagdag pa niya, itinalaga ang karagdagang mga tauhan sa key locations at engagement areas batay sa mga naunang koordinasyon ng mga kandidato kaugnay sa kanilang campaign stops.
Ipinag-utos ni PNP Chief Police General Rommel Marbil ang maximum police deployment lalo na sa mga election areas of concern.
Sa ulat, mayroong 188 lugar ang nasa ilalim ng Yellow category o mga lugar na may hinihinalang election-related incidents sa nakalipas na dalawang halalan, sangkot ang domestic terror groups. Posible rin na ang mga lugar na ito ay may kasaysayan ng armed groups at intense political rivalries.
Orange category naman ang nakataas sa 177 lugar o mga lugar na may dalawa o higit pang salik mula sa Yellow Category, at nahaharap sa seryosong armed threats mula sa terror at insurgent groups.
Samantala, may 38 lugar naman ang nasa ilalim ng Red Category o mga lugar na naabot ang criteria na nasa ilalim ng Yellow Category at may mataas na banta ng karahasan at intense political conflicts. RNT/JGC