MANILA, Philippines – Nadiskubreng nakalutang sa gilid ng lawa malapit sa Guest House ng La Mesa Dam sa Quezon City ang bangkay ng isang 56-anyos na security guard.
Ang biktima na residente ng Tondo, Manila ay nagtatrabaho umano sa La Mesa Dam.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Quezon City Police District (QCPD), sinusubukan umanong manguha ng bunga ng mangga sa puno ang biktima nang mahulog ito.
Nagtamo ng head injury ang sekyu mula sa pagkakalaglag nito sa puno.
Itinurn-over na ang kaso sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) para sa mas malalim na imbestigasyon. RNT/JGC