MANILA, Philippines – Napromote ang kauna-unahang piloto ng Philippine Coast Guard (PCG) ng susunod na mataas na ranggo ng commodore sa rekomendasyon na rin ni Department of Transportation Secretary Vince Dizon.
Ayon sa PCG nitong Sabado, Mayo 17, inaprubahan ni Marcos ang promosyon ni Commodore Christine Pauline Bergano-Diciano noong May 14.
Sinabi ng PCG na si Bergano-Diciano, miyembro ng Coast Guard Officer Course “A” Matatag Class 02-2011, ay kabilang sa unang batch ng homegrown PCG female officers.
Nagmula sa Bacolod City, si Bergano Diciano ang naging unang babeng piloto ng PCG noong 2005 at itinuloy ang isang inaugural flight mission noong 2006.
Siya rin ang gumanap bilang Coast Guard aviation force commander noong 2022, bukod sa pagiging una at tanging babaeng PCG air station commander sa ilalim ng West Philippine Sea Oplan Matatag noong 2010.
Bilang karagdagan sa kanyang mahabang listahan ng mga nagawa, itinulak din ni Bergaño-Diciano ang pagsasama ng “hijab” sa uniporme ng mga babaeng Muslim na tauhan sa Gender and Development unit ng PCG noong 2022.
Naging acting superintendent din siya ng Coast Guard School for Special Maritime Affairs, “kung saan itinaguyod niya ang women empowerment at gender inclusivity.”
Pinarangalan si Bergaño-Diciano bilang unang Asian vice president ng World Maritime University’s Women Association sa Sweden noong 2014.
Tumanggap din siya ng “Pilak” Award para sa Natatanging Juana ng Tanod Baybayin ng Pilipinas noong pagdiiwang ng National Womens Month 2025 sa PCG.
Binigyang-diin ng bagong commodore ang kahalagahan ng pagbuhos ng dedikasyon at passion sa trabaho ng isang tao upang makamit ang tagumpay, kaligayahan at kasiyahan. Jocelyn Tabangcura-Domenden