MANILA, Philippines – Dismayado si Akbayan Partylist Rep. Chel Diokno sa kawalan ng pondo ng Commission on Human Rights (CHR) sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) para sa mga mahahalagang batas na may mandato ito partikular ang Anti-Torture Law at Anti-Enforced or Involuntary Disappearance Law.
Sa House Committee on Appropriations hearing ay inamin ni CHR chairperson Richard Palpal-latoc na walang budget ang ahensya para sa mga special laws na may saklaw ang ahensya, ani Palpal-latoc, tanging ₱2 million para sa gender programs sa ilalim ng Magna Carta of Women ang may inilaang budget.
Ipinaliwanag ni Diokno na ang pagpopondo sa anti-torture law at anti-enforced disappearance ay “crucial” sa paglaban sa human rights.
Una nang inamin ng Congressional Policy and Budget Research Department na may 200 batas na naipasa noong 1991 hanggang 2023 ang pawang mga hindi napondohan.
Samantala, pinakikilos din ni Diokno ang CHR para mapabilis ang pag iimbestiga sa extrajudicial killings (EJKs) sa Duterte administration sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang subpoena powers para makuha ang mga dokumento ng EJKs mula sa Philippine National Police.
“Have you not exercised your subpoena powers to get the reports? Because for those cases you do not need witnesses. The police reports themselves contain admissions of who committed the killing under what circumstances allegedly. Nanlaban daw. That is sufficient to at least conduct the investigation and come up with conclusions,” paliwanag ni Diokno.
Depensa naman ni Palpal-latoc na nasa 4,000 EJK cases ang kanilang iniimbestigahan at sa darating na Nobyembre ay kanilang ipalalabas ang initial report para sa 400 na kaso ng EJK. Gail Mendoza