MANILA, Philippines – Pinua ni Senador Risa Hontiveros ang kawalan ng birth at marriage records sa Philippine Statistics Authority (PSA) ng sinasabing magulang ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.
Ito ang nalantad sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng Senado tungkol sa illegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operations sa Bamban, kung saan ayon sa opisyal ng PSA ay may posibilidad na hindi talaga totoo ang nakalagay na pangalan sa magulang ni Guo sa kanyang late-registration birth certificate.
Ani Hontiveros, nakadeklara na “Filipino” ang mga magulang ng alkalde sa kanyang late-registration birth certificate.
Sa mga nakaraang pahayag, itinanggi ni Guo ang mga paratang laban sa kanya at sinabing anak siya ng kanyang ama sa kanilang katulong kaya naging mahirap para sa kanya na mailantad ang kanyang pagkatao.
Pangamba tuloy ng karamihan ay espiya ng China si Guo o kaya naman ay sangkot sa illegal na operasyon ng POGO sa kanyang bayan.
Dagdag pa, lumabas din sa pagdinig na mayroon pang tatlong kapatid si Guo na noong una ay sinabi niyang hindi niya agad nalaman. May impormasyon pa na bumibiyahe ang mga ito na magkakasama at may mga negosyo rin.
“Maitatanong talaga, hindi po kaya (ang mga magulang ni Guo) don’t even exist? Itong dalawang taong ito, na according to the documentary evidence, have three children, but according to you mayor, only have one child, apparently do not even exist,” pagtatanong ni Hontiveros.
Sagot naman ni PSA legal service director Eliezer Ambatali, may mataas na posibilidad na hindi nag-eexist ang mga magulang ni Guo at maaari ring hindi nairehistro ang kanilang birth certificates.
“May posibilidad po na hindi nakapag-parehistro lang po ang mga magulang ni mayor. Puwedeng mangyari ‘yun… Pero sa ngayon, maaari din at mataas ang posibilidad, na hindi existing ang mga tao,” pahayag ni Ambatali.
Ayon kay Guo, hindi siya ang gumawa ng birth certificates ng kanyang mga kapatid kaya niya alam ang mga problemang nakalagay dito.
“Your honor, ‘yan po ang truth. Hindi namin pinag-uusapan sa bahay. Medyo sensitive ‘yung topic kaya hindi talaga namin pinag-uusapan,” tugon ni Guo sa tanong ni Senador Raffy Tulfo kung bakit hindi niya tinanong sa ama ang patungkol sa kanyang pamilya.
Bukod dito, pinuna rin ng ilang senador ang paiba-ibang pahayag ni Guo na katulong ang kanyang ina at iniwan siya noong bata pa gayong lumalabas na kasal ang kanyang ama at mayroon pa itong mga kapatid. RNT/JGC