Home METRO Kawalan ng trabaho, tututukan ng Infanta, Quezon; plano sa pag-akit ng mga...

Kawalan ng trabaho, tututukan ng Infanta, Quezon; plano sa pag-akit ng mga negosyante binabalangkas

1
0

INFANTA, Quezon — Puspusan nang binabalangkas ng Pamahalaang Bayan ng Infanta ang Local Economic Development Plan (LEDP) bilang tugon sa hamon ng kawalan ng trabaho sa kanilang nasasakupan.

Ayon kay Mayor Lord Arnel Ruanto, lumabas sa resulta ng Comprehensive Household Information System (CHIS) na humigit-kumulang 20 porsiyento ng mga residente ng bayan ang kasalukuyang walang hanapbuhay.

Dahil dito, isa sa mga pangunahing prayoridad ng kanyang administrasyon ang paglikha ng mas maraming oportunidad sa trabaho sa pamamagitan ng paghimok sa mga mamumuhunan na magtayo ng negosyo sa bayan. Ibinahagi ng alkalde ang plano sa mga miyembro ng Manila City Hall Press Club (MCHPC) na bumisita sa kanyang tanggapan noong Linggo matapos ang isinagawang team building activity sa lalawigan ng Quezon.

“Kapag nakapasok ang mga mamumuhunan sa Infanta, magkakaroon ng mga bagong negosyo at trabaho para sa ating mga kababayan,” ani Ruanto.

Upang gawing mas kaakit-akit ang bayan sa mga negosyante, ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ang patakarang “start now, comply later.”

Layunin nitong mapabilis ang pagsisimula ng mga negosyo habang inaayos ang iba pang kinakailangang dokumento at permit, nang hindi naaantala ang kanilang operasyon at pamumuhunan.

Naniniwala ang alkalde na ang pagdami ng mga negosyo sa bayan ay magbibigay ng malaking tulong sa pagpapasigla ng lokal na ekonomiya at sa pagpapababa ng bilang ng mga walang trabaho.

Samantala, binigyang-diin din ni Ruanto ang mahalagang papel ng CHIS sa mas episyenteng paghahatid ng serbisyo publiko. Sa pamamagitan ng sistemang ito, mabilis na natutukoy ng pamahalaang bayan ang mga pamilyang nangangailangan ng agarang ayuda at iba pang serbisyo, kabilang ang mga naninirahan sa malalayong lugar ng Infanta.

Ayon sa alkalde, ang kombinasyon ng maayos na datos at malinaw na plano sa pagpapaunlad ng ekonomiya ang magsisilbing susi upang makamit ng Infanta ang mas inklusibo at pangmatagalang kaunlaran. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here