ORIENTAL MINDORO, Philippines – Nag-utos ang Police Regional Office (PRO) Mimaropa ng mas mataas na police visibility sa loob at paligid ng mga paaralan matapos ang magkahiwalay na insidente ng pananaksak sa mga eskuwelahan sa Cavite at lumalaking pangamba sa kaligtasan ng mga estudyante.
Inatasan ni acting regional director na si Christopher R. Dela Cruz ang lahat ng provincial at municipal police units na higpitan ang mga hakbang sa seguridad upang maprotektahan ang mga estudyante, guro, at iba pang kawani ng paaralan.
Ang direktiba ay kasunod ng utos ni PNP chief na si Jose Melencio C. Nartatez Jr. na palakasin ang seguridad sa mga paaralan sa buong bansa.
Sa ilalim ng kautusan, dadagdagan ang presensya ng pulis lalo na sa oras ng pagpasok, uwian, recess, at iba pang panahon na maraming estudyante sa paaralan. Inatasan din ang mga pulis na magsagawa ng regular na pagpapatrolya, security assessment, at pakikipag-ugnayan sa mga school administrator, lokal na pamahalaan, parent-teacher associations, at iba pang stakeholders upang maagap na matukoy ang mga posibleng banta sa seguridad.
Ayon kay Dela Cruz, wala pang naitatalang katulad na insidente sa rehiyon ng Mimaropa, ngunit mahalaga pa rin ang mga hakbang na pang-iwas.
“Parents should have peace of mind knowing that their children are safe in school. We are increasing police visibility, strengthening coordination with school officials, and ensuring that any potential security concern is addressed before it becomes a problem. The safety of our learners will always be a priority,” aniya.
Inatasan din niya ang mga police commander na panatilihin ang bukas na komunikasyon sa mga opisyal ng paaralan at mga lider ng komunidad upang mapabilis ang pagpapalitan ng impormasyon at agarang pagtugon sa anumang insidenteng maaaring makaapekto sa kaligtasan ng mga estudyante at kawani.
Ayon sa PRO Mimaropa, bahagi ito ng kanilang F.I.G.H.T. C.R.I.M.E.S. framework na nakatuon sa pagtukoy ng mga kahinaan sa seguridad, pagpapalakas ng pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor, at pagbibigay ng maagap na serbisyo ng pulisya.
Patuloy ring makikipagtulungan ang pulisya sa mga paaralan, lokal na pamahalaan, mga magulang, at mga lider ng komunidad upang mapanatiling ligtas at maayos ang kapaligiran sa pag-aaral sa buong Mimaropa. RNT/MND