COTABATO- Patay ang isang kawani ng munisipyo matapos tambangan at pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin kaninang umaga sa bayan ng Matalam.
Kinilala ang biktimang si Ferdinand Joseph Jeminez, 50, empleyado ng lokal na pamahalaan ng Matalam at residente ng Purok Pointcitia, Poblacion, ng naturang bayan.
Ayon kay P/LTCol. Mylaine Estrellana, hepe ng Matalam Municipal Police Station, dakong alas-6 ng umaga sa Purok Pointcitia, Poblacion nang maganap ang insidente.
Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, minamaneho ng biktima ang sasakyan ng LGU na Toyota Hilux na may plate number SKJ 628.
Pagdating sa naturang lugar ay bigla na lamang pinaulanan ng bala mula sa .45 kalibre na baril ang biktima at tinamaan ito sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Matapos ang krimen ay mabilis na tumakas ang suspek sa hindi malamang direksyon.
Sa pagresponde ng mga awtoridad sa lugar na pinangyarihan ng krimen ay nakapulot sila ng 14 basyo mula sa ginamit na armas ng suspek.
Narekober naman sa loob ng sasakyan ang mga gamit ng biktima gaya ng sling bag, flashlight, telescope, FB cartridge, cellphone, baseball bat, bolo, Handheld Radio at identification card nito.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa naturang krimen. Mary Anne Sapico