MANILA, Philippines – Dalawang magkahiwalay na insidente ng pagnanakaw sa Rizal at Taguig ang naitala sa CCTV, kung saan ang mga suspek ay nakasuot ng unipormeng kahawig ng gamit ng isang ride-hailing app.
Sa San Mateo, Rizal, nakuhanan ng CCTV ang isang suspek na pinalo at binasag ang bintana ng isang SUV bago tinangay ang laptop sa loob. Ayon sa biktima, buti na lamang at dala niya ang kanyang wallet at cellphone.
Sinabi ni San Mateo Police Chief Lt. Col. Jonathan Ilay na mukhang bihasa na sa modus ang suspek, at sinusubaybayan na nila ang plaka ng motorsiklo upang matukoy ito sa tulong ng ride-hailing app.
Samantala, sa Barangay Pembo, Taguig, isang armadong suspek na may kahawig na uniporme ang nanutok ng baril sa isang estudyante, na natumba sa takot. Ayon sa mga awtoridad, ginagamit ng mga kriminal ang ganitong kasuotan upang makalusot sa mga checkpoint, kaya’t mas paiigtingin ang seguridad.
Wala pang opisyal na pahayag ang mga ride-hailing companies habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. RNT