Home HOME BANNER STORY Pinas aangkat ng 4,000 MT ng pula at puting sibuyas

Pinas aangkat ng 4,000 MT ng pula at puting sibuyas

MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Department of Agriculture (DA) ang pag-aangkat ng 4,000 metric tons (MT) ng sibuyas upang maiwasan ang muling pagtaas ng presyo gaya ng nangyari noong 2022, kung kailan pumalo sa PHP720 kada kilo ang halaga nito dahil sa kakulangan ng suplay.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., layunin ng hakbang na pigilan ang pananamantala ng mga negosyanteng nagmamanipula ng presyo sa gitna ng kakulangan sa merkado.

“We will not risk a potential shortage that unscrupulous traders could exploit to drive up prices, as we saw in the past,” ani Tiu Laurel.

Sa loob ng susunod na dalawang linggo, inaasahang darating ang 3,000 MT ng pulang sibuyas at 1,000 MT ng puting sibuyas habang hinihintay ang anihan ng mga lokal na magsasaka.

Sinabi naman ni Bureau of Plant Industry (BPI) Director Glenn Panganiban na ang pag-aangkat ay isang preventive measure upang punan ang posibleng kakulangan sa suplay.

Batay sa datos ng BPI noong kalagitnaan ng Enero, nasa 8,500 MT lamang ang stock ng pulang sibuyas na tatagal hanggang Pebrero, habang nasa 1,628 MT ang puting sibuyas. Sa kasalukuyang demand, kumokonsumo ang bansa ng humigit-kumulang 17,000 MT ng pulang sibuyas at 4,000 MT ng puting sibuyas bawat buwan. Santi Celario