MANILA, Philippines – Nasamsam ng awtoridad ang nasa P1 milyong halaga ng marijuana bricks matapos maaresto ang dalawang suspek sa isang buy-bust operation sa Tabuk City, Kalinga nitong Martes, Pebrero 4.
Ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), nahuli ang dalawang lalaking suspek matapos nilang ibenta ang siyam na solid na bricks ng marijuana sa isang undercover agent.
Matapos makumpleto ang transaksyon, inaresto ng mga ahente mula sa PDEA Kalinga Provincial Office at lokal na pulisya ang mga suspek.
Bukod sa 9,000 gramo ng marijuana bricks, narekober din ng mga operatiba ang mga baril at mga bala mula sa mga hindi pa kilalang suspek.
Ang mga suspek, na kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP-Kalinga, ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.” (Santi Celario)