Inihain ni Senador Christopher “Bong” Go ang Senate Bill No. 2983, na naglalayong mabigyan ng Philippine Health Card ang lahat ng Pilipino upang matiyak ang tuluy-tuloy na access sa mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan sa ilalim ng National Health Insurance Program (NHIP).
Ang panukala ay tugon sa mga puwang sa PhilHealth registration at magpapalakas din sa pagpapatupad ng Universal Health Care (UHC) Law.
Binigyang-diin ni Go na kailangang magkaroon ang lahat ng Pilipino ng tangible proof ng kanilang membership sa PhilHealth upang mapadali ang pagkuha ng mga benepisyo sa ilalim ng NHIP.
“Sa ilalim ng Universal Health Care Law, lahat ng Pilipino ay miyembro ng PhilHealth, pero hindi lahat ay may PhilHealth ID. Marami ang nahihirapang mag-avail ng kanilang serbisyo dahil walang hawak na pisikal na ID. Gusto nating tiyakin ang lahat ng serbisyo ay may malinaw na access sa pangkalusugan,” ayon kay Go.
Batay sa datos ng PhilHealth, lahat ng 112.89 milyong Pilipino ay sakop ng NHIP na nagtatakda ng coverage rate sa 100%. Gayunman, sa pagtatapos ng 2023, 96% lamang ng Pilipino ang pormal na nakarehistro sa PhilHealth habang naiwan ang humigit-kumulang 4.52 milyong indibidwal na walang wastong dokumentasyon.
Upang matugunan ito, iaatas ng panukalang batas ni Go sa PhilHealth na magbigay ng libreng health card sa lahat ng miyembro ng NHIP. Ang health card ay magsisilbing opisyal na dokumento ng pagkakakilanlan para sa healthcare services at benefits claim.
“Libre ito at pwedeng gamitin saan mang bahagi ng bansa ng mga miyembro ng NHIP. Ang mahalaga, madali at abot-kamay na ang mga serbisyong pangkalusugan,” paliwanag ni Go.
Ang health card ay ipamamahagi sa pakikipagtulungan ng local government units at hindi magkakaroon ng anumang partisan political features. Gayunpaman, ang kawalan ng ID ay hindi magiging hadlang sa sinumang miyembro na maka-avail ng mga benepisyo ng PhilHealth.
“Sa ilalim ng batas, ang bawat Pilipino ay sakop ng PhilHealth. Ngunit sa kasalukuyan, marami pa rin ang hindi nakakaalam ng kanilang mga karapatan at pagiging miyembro,” dagdag ni Go.
Sa kasalukuyan, ang PhilHealth ay may iniisyu lamang na ID na gawa sa papel o karton, na sa tingin ng maraming miyembro ay hindi wasto. Binigyang-diin ni Senator Go ang kahalagahan ng pag-iisyu ng matibay at presentableng card na maaaring dalhin at ipakita ng mga miyembro nang walang pag-aalinlangan.
Binanggit din ni Go ang mga pagkakataon kung saan ang mga miyembro ay umiwas na humingi ng medical care dahil hindi nila alam na sila ay miyembro ng PhilHealth. RNT