Bumoto pabor sa “Konektadong Pinoy” Bill si Senate Majority Leader Francis 'TOL' Tolentino, na aniya'y lalong palalakasin pa ng tatlong amyenda na kanyang isinulong.
Bumoto pabor sa “Konektadong Pinoy” Bill si Senate Majority Leader Francis ‘TOL’ Tolentino, na aniya’y lalong palalakasin ng tatlong amyenda na kanyang isinulong.
Pangunahin sa mga amyenda ni Tolentino ang prayoridad sa paghahatid ng internet services sa mga komunidad malapit sa mga paaralan sa mga liblib na lugar.
“Layunin ng susog na ito ang patas o equitable internet access sa buong bansa, lalo na sa mga rehiyon na walang sapat na imprastraktura, kung kaya’t nasasagkaan ang kanilang kaunlaran, edukasyon, at masaklaw na pamayanan,” ayon kay Tolentino, sa kanyang manifestation of vote sa plenaryo.
Hangad naman ng ikalawang amyenda ni Tolentino ang walang patid at tuluy-tuloy na data transmission sa panahon ng sakuna at kalamidad – lalo na sa frontliners at mga grupong nagsasagawa ng rescue at relief operations.
“Kailangang-kailangan po natin ito dahil pag may kalamidad ang ating mobile networks at satellite phones ang nakakatulong,” ani kay TOL, na may mahabang karanasan sa disaster response management bilang dating chairman ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at three-term mayor ng lungsod ng Tagaytay.
Ang ikatlong susog ni Tolentino ay naggagawad ng “mandatory discounts” sa mga estudyante sa pagbili ng digital communication at internet services.
*Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga telcos, magagawa nating mas abot-kaya ang internet access para sa mga mag-aaral. Itataas nito ang digital literacy at tutugunan ang kanilang mga pangangailangang pang-edukasyon,” paliwanag ni TOL.
Tinapos ni Tolentino ang kanyang talumpati sa pagdidiin sa mga benepisyo ng panukala sa edukasyon ng mga kabataan, at sa pagsulong ng ekonomiya ng bansa. “Mahalaga ang pamumuhunan sa edukasyon ng mga kabataan para makalikha maliwanag na bukas para sa ating bansa.” RNT