MANILA, Philippines – Kinuyog ng taumbayan ang isang snatcher matapos biktimahin at hablutin ang cellphone ng isang estudyante habang sakay ng pampasaherong jeep sa Quiapo, Maynila.
Ayon kay Police Captain Dennis Turla, hepe ng Plaza Miranda Police Community Precinct ng Manila Police District – Station 3, naganap ang insidente sa Quezon Boulevard northbound na sakop ng Barbosas police station.
Ayon sa biktima, sakay siya ng pampasaherong jeep nang bigla umanong hablutin ng suspek ang kanyang cellphone, isang iPhone 17.
Dahil dito, humingi ng saklolo ang biktima na ikinaalerto ng iba pang pasahero.
Hinabol at inabutan ang suspek sa bahagi ng Quezon Boulevard kaya napagtulungang kuyugin.
Ilang sandali pa, rumesponde ang mga pulis ng Plaza Miranda PCP na nagkataong nagpapatrolya sa lugar at agad na inaresto ang suspek.
Nahulihan ang suspek ng isang pen gun.
Nabawi naman ang cellphone ng biktima at dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya para sa imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso. Jocelyn Tabangcura-Domenden