MALABON CITY, Philippines – Arestado ang isang lalaki matapos inguso sa mga pulis na may dalang sumpak at makuhanan pa ng marijuana habang pagala-gala sa Malabon City.
Nakatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen ang mga tauhan ng Malabon Police hinggil sa isang lalaki na may dala umanong baril habang pagala-gala sa Naval St., Brgy. Hulong Duhat.
Kaagad rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Patrol Base 7 kung saan naaktuhan nila ang naturang lakaki na may bitbit na isang improvised firearm dakong ala-1:10 ng madaling araw.
Hindi naman umano pumalag ang suspek na si alyas “Glen”, 30, ng Brgy. Hulong Duhat nang arestuhin siya ng mga pulis bago kinumpiska ang hawak niya na isang improvised firearms (sumpak) na kargado ng isang bala.
Nang kapkapan, nakumpiska pa sa suspek ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na nasa P150 ang halaga.
Ayon kay Col. Umipig, kasong paglabag sa R.A 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) at paglabag sa R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang isinampa nila laban sa suspek sa Malabon City Prosecutor’s Office. /Rene Manahan