BATAAN- Kalaboso ang isang lalaki matapos ireklamo ng kanyang kinakasama na umano’y hinostage nito kabilang ang dalawang maliliit na anak at makumpiskahan ang suspek ng isang baril na sukbit umano nito ng abutan ng mga awtoridad kamakalawa ng tanghali sa Barangay Old San Jose, Dinalupihan.
Batay sa ulat ni Dinalupihan Municipal Police Station Chief of Police Lt.Col. Marcelino Marcos Teloza Kay Central Luzon Police Director Brigadier General Ponce Rogelio Peñones Jr., kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Jo”, 37 anyos, jobless na isang dating confidential asset ng pulisya at residente sa naturang lugar.
Sa report, nakatanggap ng tawag ang pulisya hinggil sa nagaganap umanong hostage taking sa bahay ng isang maglive-in partner.
Inabutan umano ng mga awtoridad ang suspek na may sukbit itong baril sa baywang.
Nagawang makahingi umano ng saklolo ni Alyas “Gie”, 28 anyos sa kanyang mga kapitbahay, makaraang lumabas ang suspek upang kumuha ng gatas para sa maliit nilang anak.
Kuwento ni Alyas “Gie”, siya ang naghahanapbuhay sa kanilang pamilya, kung saan madalas umano ang kanilang pag-aaway ng suspek dahil sa bukod sa pagiging jobless ay mayroon pa umano itong masamang bisyo, na sa madalas na away nila ay laging nagbabanta umano ang suspek na uubusin ang kanilang angkan
Desidido ang ginang na hiwalayan ang kinakasama at mapakulong ang suspek.
Nakumpiska sa suspek ang isang Caliber 9MM Pistol, mga bala at isang airsoft Armalite Replica na baril.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 o VAWC Law at Illegal Possession of Firearms and Ammunitions. ROEL TARAYAO