MANILA, Philippines- Inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-National Capital Region ang isang lalaki sa Pateros matapos umano nitong dukutin ang isang babae na nakilala nito sa dating app.
Sa ulat, hawak ng suspek ang identification cards, ATM cards, credit cards, cellphone, at puting SUV ng 35 taong gulang na biktima na si Irene Melican.
“Noong nalaman nila na hindi na umuuwi, ang isa nag-attempt na tumawag sa victim sa Facebook.
Nang tumawag siya, ang nakasagot bata. So kinausap niya yung bata. Then suddenly, the phone was grabbed by someone, pagtingin ng friend ng victim, yung subject natin ang may hawak ng phone,” sabi ni NBI-NCR Chief Attorney Rommel Vallejo.
Noong Hunyo 13, nakunan ng CCTV ang suspek kasama ang dalawang babae na bumibili ng tatlong mamahaling cellphone sa San Juan gamit ang credit card ng biktima at ID ngunit ang larawan sa ID ay iba.
Ayon sa NBI, tinangay umano ng suspek ang P3.5 milyon mula sa joint account ng biktima at kanyang ina.
Buwan ng Setyembre nang magkakilala ang suspek at biktima sa pamamagitan ng dating application kung saan nagpakilala ang lalaki na single kahit mayroon na itong tatlong anak at buntis pa ang kanyang misis.
Hunyo 3 nang tumawag ang suspek sa biktima at humingi ng tulong matapos umano siyang maaksidente.
Iyon ang huling pagkakataong nakita ang biktima.
Sa inquest matapos siyang arestuhin ng NBI, tinangka nitong saktan ang isang PAO lawyer gamit ang tinidor subalit agad na naawat ng mga ahente ng NBI.
Kinasuhan ng kidnapping, serious illegal detention, carnapping, at paglabag sa Access Devices Act ang suspek.
Nanawagan naman ang NBI sa mga nakakalam ng impormasyon sa kinaroroonan ng biktima na tumawag agad sa NBI-NCR para agad itong mahanap. Jocelyn Tabangcura-Domenden