Home METRO 2 nagpanggap na Pinay naharang sa NAIA

2 nagpanggap na Pinay naharang sa NAIA

86
0

MANILA,  Philippines- Naharang ng mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang dalawang babaeng hinihinalang Chinese nationals na nagpakita ng mga umano’y pekeng dokumento na sila ay Filipino citizen noong Hulyo 10.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang dalawang babae na kinilala lamang sa pangalang ‘Dianne’ at ‘Myla’ ay nagtangkang umalis sakay ng isang Cathay Pacific flight papuntang Beijing nang sila ay harangin ng mga opisyal.

Nabatid sa BI na pinagdudahan ng kanilang mga opisyal ang pagkakakilanlan ng dalawang babae nang mapansin nilang hindi marunong magsalita ang mga ito sa anumang wikang Filipino.

Ayon sa BI, nagpakita ng valid Philippine passport at birth certificate ang pasaherong si ‘Dianne,’ 61 taong gulang. Napansin ng mga opisyal ng imigrasyon na ang kanyang kapanganakan ay nairehistro lamang noong 2002 nang siya ay 39 taong gulang na.

Ang babae ay nagbigay hindi magkakatugmang mga pahayag tungkol sa kanyang pagkakakilanlan, at idineklara na hindi niya matandaan ang pangalan ng paaralan na kanyang pinasukan sa Pilipinas.

Kaugnay nito, tinangka ng pasaherong si ‘Myla’ na dumaan sa isang hiwalay na immigration counter, ngunit isinangguni din para sa karagdagang pagsusuri kung saan nagpakita ito ng Philippine passport, Philippine driver’s license, at UMID ID.

Palusot ni Myla, siya ay homeschooled ng kanyang lola, at hindi matandaan ang mga detalye tungkol sa kanyang pagkabata at kanyang pamilya. Nang malaon, inamin niya na nakakuha lamang siya ng mga nasabing dokumento sa pamamagitan ng isang contact na nakilala niya online.

Sinabi ni Tansingco na hinala nila na mga Chinese ang dalawang babae.

“This seems like another case of fraud, wherein foreign nationals are able to secure Philippine documents through illegal means,” ani Tansingco.

Inaresto ang dalawang babae at mananatili sa pasilidad ng BI sa Bicutan, Taguig habang nahaharap sila sa immigration deportation charges. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here