Home METRO Kelot na naghasik ng takot, tiklo sa boga sa Muntinlupa

Kelot na naghasik ng takot, tiklo sa boga sa Muntinlupa

MANILA, Philippines – Arestado ng Muntinlupa City police ng isang 38-taong-gulang na lalaki makaraang manakot at mahulihan ng baril Lunes ng gabi, Mayo 20 sa lungsod.

Kinilala ng Muntinlupa City police ang inarestong suspect na si alyas Edwin, 38, residente ng Barangay Putatan, Muntinlupa City.

Base sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD) mula sa Muntinlupa City police, naganap ang pagdakip sa suspect dakong alas 11:55 ng gabi sa San Guillermo, Brgy. Putatan, Muntinlupa City.

Sa isinagawang imbestigasyon ng Muntinlupa City police, habang nasa loob at nagbabantay ng kanyang sari-sari store ang biktima na kinilala lamang sa pangalang Rhona, 46, ay lumapit sa harapan ng tindahan ang suspect na may hawak na baril at sinabi sa biktima na “Ate Rhona, tsismosa ka, papatayin kita!!”.

Dahil sa matinding takot ay agad na umalis sa kanyang tindahan ang biktima at mabilis na pumasok sa loob ng kanilang bahay kung saan dali-dali itong kinuha ang kanyang cellphone at tumawag ng responde sa Putatan Substation ng Muntinlupa City police.

Makaraan ang ilang sandali ay dumating ang mga tauhan ng Putatan Substation at naabutan ng mga ito ang suspect na hawak pa ang baril na nagresulta ng kanyang agarang pagkakaaresto.

Narekober sa posesyon ni alyas Edwin ang isang kalibre .22 rebolber na kargado ng apat na bala.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Muntinlupa City police ang suspect na nahaharap sa mga kasong grave threats at paglabag sa Republic Act 10591 o illegal possession of firearms and ammunition sa Muntinlupa City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan