CEBU CITY- HINDI inakala ng isang kelot na ang pakikipag-inuman nito sa kanyang hipag ang magiging sanhi ng kanyang kamatayan matapos pagsasaksakin ng asawa ng huli, kahapon, Nobyembre 3 sa lungsod na ito.
Kinilala ang biktimang si Denmark Clarin Inocando, 28-anyos, habang tugis naman ang suspek na kinilalang si Vincent Valdez alyas Bentot, nasa hustong gulang at kapwa residente ng Sitio Hillside, Brgy. Talamban, Cebu City.
Batay sa report ng Cebu City Police Office, bandang 4:00 PM noong Linggo naganap ang krimen sa nasabing lugar.
Lumabas sa paunang imbestigasyon ng pulisya, bago ang krimen ay nag-iinuman ang biktima sa kanilang bahay kasama ang asawa ng suspek na kapatid na misis nito.
Nalaman ng suspek na nakipag-inuman ang kanyang misis sa biktima kaya inabangan nito ang huli at pinagsasaksak sa dibdib saka mabilis na tumakas.
Nagawa naman isugod sa ospital ang biktima subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga.
Patuloy naman ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nasabing krimen. Mary Anne Sapico