Home METRO Kelot na walang helmet timbog sa baril sa Makati

Kelot na walang helmet timbog sa baril sa Makati

Patung-patong na kaso ang kinahaharap ng isang 33-taong-gulang na lalaki matapos itong masita ng paglabag sa batas trapiko at nahulihan pa ng baril sa Makati City Linggo ng gabi, Hunyo 2.

Sa report ng Makati City police sa Southern Police District (SPD) ay kinilala ang inarestong suspect na si alyas Jonathan, residente ng Constancia St., Barangay Olympia, Makati City.

Ayon sa imbestigasyon ng Amkati City police, naganap ang pagdakip sa suspect dakong alas 10:00 ng gabi sa Brgy. Guadalupe Nuevo, Makati City.

Sa mga nabanggit na oras ay nagsasagawa ang Guadalupe police Sub-Station ng Oplan Sita operation sa nabanggit na lugar nang mamataan ng mga operatiba ang suspect na nagmamaneho ng kanyang motorsiklo ng walang suot na helmet.

Sinita ng mga tauhan ng Guadalupe police Substation ang suspect at sa kanilang pag-iinspeksyon ay nakitaan pa ng ilang paglabag ang suspect sa pamamagitan ng paggamit ng hindi awtorisadong blinker at walang sapat na side mirror ang kanyang motorsiklo na isa ring bayolasyon.

Bukod sa mga paglabag sa batas trapiko ay nakita ring nakaumbok sa kanyang tagiliran na kinalaunan ay napag-alaman na isang kalibre .45 pistola na kargado ng anim na bala.

Nang hanapan ang suspect ng mga dokumento ng kanyang bitbit na baril ay wala itong maipakita na nagdulot ng kanyang awtomatikong pagkakaaresto.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Makati City police ang suspect na nahaharap sa kasong paglabag sa R.A. 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition) sa Makati City Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)