SAN MATEO, Isabela – Sinalubong na ni kamatayan at pinaglalamayan na ng kanyang kamag-anak ang isang sales lady matapos mabangga ng pampasaherong bus habang tumatawid sa kalsada na bahagi ng Barangay Sinamar Sur, San Mateo, Isabela.
Kinilala ang biktima na si Julie Gumo, 49-anyos, isang sales lady na residente ng naturang lugar.
Napag-alaman na patungong kalakhang Maynila ang pampasaherong Victory Liner Bus habang patawid naman sa kalsada ang biktima ng maganap ang insidente.
Pauwi na sana ang ginang mula sa pamilihan at papunta sana sa kabilang bahagi ng kalsada ng bigla siyang nabangga ng bus na umano’y nag overtake sa sinusundang sasakyan.
Sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon ang biktima sanhi para magtamo ng malubhang sugat sa katawan habang nagkalat naman ang mga pinamili niya sa kalsada.
Agad siyang dinala sa pagamutan ng rescue team subalit idineklarang dead on arrival ng kaniyang attending physician.
Pansamantala nasa kustodiya ng pulisya ang nasabing bus kasama ang drayber na hindi na pinangalanan. Rey Velasco