Home METRO Kelot na wanted sa panghahalay ng menor, arestado

Kelot na wanted sa panghahalay ng menor, arestado

227
0

VALENZUELA, Philippines – Kulong ang isang lalaki na akusado sa panggagahasa sa isang menor-de-edad matapos makorner ng tumutugis na mga pulis sa Valenzuela City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, kinilala ni Valenzuela Police OIC Chief P/Col. Gerson Bisayas ang naarestong akusado na si alyas “Papa Joey”, 35.

Ayon kay Col. Bisayas, si alyas Papa Joey ay parehong nakatala bilang No. 5 Top Most Wanted Person sa NPD at Valenzuela CPS kaya iniutos niya sa kanyang mga tauhan ang pagtugis sa akusado.

Nang makatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Valenzuela CPS na naispatan ang presensya ng akusado sa Brgy. Lingunan, agad silang nagkasa ng operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek dakong ala-1:10 ng hapon sa Francisco Street, sa naturang barangay.

Maayos naman umanong naisilbi sa akusado ang warrant of arrest na inisyu ng Family Court, Branch 16, Valenzuela City para sa 2 counts of Rape under Article 266-A Paragraph 1(d) of the Revised Penal Code and violating Section 10(a) of R.A. 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act) na walang inirekomendang piyansa.

Ang operation ay naidokumento gamit ang Body-Worn Camera, alinsunod sa pangako ng PNP na transparency at accountability.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Valenzuela CPS habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte para sa paglilipat sa kanya sa City Jail. (Merly Duero)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here