Home METRO Kelot patay sa mag-aama

Kelot patay sa mag-aama

NEGROS OCCIDENTAL- Patay ang isang lalaki matapos pagtulungang saksakin ng mag-aama makaraang magkainitan sa loob ng videoke bar, noong Huwebes sa bayan ng Moises Padilla.

Kinilala ang biktimang si Manuel Tobias, 22, habang nadakip naman ang mag-amang suspek na sina Alberto, 50 at Ronel, 31, habang patuloy naman pinaghahanap ang nakatakas na magkakapatid na sina Robert, Rey at Rodel Niepes, lahat ay residente ng Sitio Tiguisan, Barangay Montilla, banwa sang Moises Padilla, Negros Occidental.

Batay sa report ng Moises Padilla Municipal Police Station, bandang alas-9 gabi nang maganap ang krimen sa labas ng bahay ng biktima sa nasabing lugar.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, parehong nasa videoke ang biktima at ang mag-aamang suspek nang magkaroon ng hindi pagkakaunawaan.

Para matigil ang pagtatalo, nagpasya na lamang na umuwi ng kanilang bahay ang biktima subalit lingid sa kanyang kaalaman na sinundan pala ito ng mga suspek.

Pagdating sa bahay ng biktima tinawag ito ng mga suspek at hinamon ng away.

Paglabas ng bahay ni Tobias, walang babalang pinagtulungan itong pagsasaksakin ng mag-aama sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Rumesponde naman ang mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng krimen at nadakip ang matandang Niepes at anak nitong si Ronel habang patuloy naman ang pagtugis sa tatlo pa nitong anak.

Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa mga suspek. Mary Anne Sapico