MANILA, Philippines- Iniulat ng Bureau of Immigration (BI) ang pagdating ng nasa 100 repatriated Filipinos sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 galing Kuwait nitong Setyembre 1, 2023.
Ayon sa BI, karaniwang dahilan ng mga Pilipino para sa pagpapauwi ay pagmamaltrato mula sa kanilang mga amo, hindi wastong dokumentasyon, pagtakas sa kanilang mga amo, mahinang kondisyon sa pagtatrabaho, paglabag sa kontrata, pagkaantala ng sweldo, at pag-aasam na magka-anak.
Ang mga pinauwi ay tinulungan ng mga opisyal mula sa Overseas Workers Welfare Administration at Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Binigyang-diin ni BI Commissioner Norman Tansingco ang pangangailangan ng mga Filipino overseas worker na dapat may tamang dokumentasyon bago ito umalis ng bansa.
“As in the case of the repatriates, because they left with the proper documentation from the Philippine government, the appropriate government agencies were able to more easily rescue them and give proper assistance,” ani Tansingco.
Giit ni Tansingco, ang mga umaalis bilang turista at nagtatrabaho sa ibang bansa ay nahaharap sa panganib laban sa pananamantala, dahil na rin sa pagkakaroon ng hindi wastong dokumentasyon.
Miyembro ang BI ng IACAT na inatasang magsagawa ng assessment sa mga papaalis na Pilipino upang matiyak ang tamang dokumentasyon. JAY Reyes