Home METRO Thai, 2 Chinese nationals arestado sa NAIA

Thai, 2 Chinese nationals arestado sa NAIA

MANILA, Philippines- Ibinahagi ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco nitong Sabado ang pagkakaaresto sa tatlong dayuhan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa paglabag sa immigration laws.

Ayon sa BI, inaresto noong Agosto 31 si Teerasade Phutthichotiruksa, 43, Thai national, matapos tangkaing umalis sakay ng Thai Airways flight papuntang Bangkok, Thailand.

Nabatid na humarap si Phutthichotiruksa sa imigrasyon sa NAIA Terminal 3, gayunman, napansin ng opisyal ng imigrasyon ang mga pagkakaiba at iregularidad sa mga selyong nakadikit sa kanyang Thailand passport.

Dahil dito, isinailalim sa karagdagang inspeksyon sa pamamagitan ng forensic documents laboratory ng BI ang dokumento ng nasabing dayuhan. Kinumpirma ng forensic inspection na peke ang mga selyo sa pasaporte nito.

Inaresto si Phutthichotiruksa, binasa ang kanyang mga karapatan, at inilipat sa pasilidad ng BI sa Bicutan, Taguig para sa pagsisimula ng mga paglilitis sa deportasyon.

“This case underscores the importance of our immigration officers’ vigilance and expertise in detecting fake documents. Our officers are trained to spot irregularities will arrest foreign nationals who attempt to use fraud to be able to travel,” ani Tansingco.

Samantala, iniulat din ng BI ang pagkakaaresto sa dalawang Chinese national sa magkahiwalay na insidente.

Naaresto noong Setyembre 1 ang Chinese national na si Chen Changdian, 32, matapos tangkaing umalis sakay ng Scoot Airlines patungong Singapore sa NAIA Terminal 3.

Napag-alaman na ang pangalan ni Chen ay nasa database ng BI ng may derogatory record. Si Chen ay nasa interpol red notice kung saan wanted ito sa pag-uusig sa United Arab Emirates sa krimen ng pagpatay noong 2022. Siya ay iniulat na dumating noong Mayo 2022, at na-tag bilang isang takas noong Nobyembre ng parehong taon.

Sa parehong petsa, isang babaeng Chinese ang inaresto sa NAIA Terminal 1 matapos tangkaing lumipad patungong Bangkok sakay ng flight ng Philippine airlines. Ang babae, na kinilalang si Lyu Yani, 30, ay natagpuang kasama rin sa listahan ng mga wanted na kriminal ng interpol.

Siya ay na-tag ng interpol bilang isang takas na wanted para sa krimen ng pagpapatakbo ng isang gambling house.

Kapwa arestado at kasalukuyang nahaharap sa mga kasong deportasyon. JAY Reyes