Home METRO Kelot patay sa pamamaril sa duyan

Kelot patay sa pamamaril sa duyan

64
0

MANILA, Philippines — Patay ang isang 27-anyos na lalaki matapos pagbabarilin habang nakahiga sa duyan sa Lorega, San Miguel, Cebu City madaling-araw ng Miyerkules, Mayo 13.

Patuloy namang tinutugis ng pulisya ang mga suspek na nasa likod ng krimen.

Noong Biyernes, Mayo 15, nai-turn over na sa pamilya ng biktima ang kanyang labi matapos siyang bawian ng buhay dahil sa tinamong mga tama ng bala.

Ayon kay Police Senior Master Sergeant Nemesio Zulueta Dinopol, mayroon nang initial leads ang mga awtoridad kaugnay sa posibleng mga salarin ngunit sumasailalim pa ito sa beripikasyon bago pangalanan ang sinumang persons of interest.

Patuloy ring kinukumpirma ng pulisya ang mga pahayag ng mga posibleng testigo at residente malapit sa lugar ng insidente bilang bahagi ng imbestigasyon.

Nanawagan din ang pulisya sa publiko na makipagtulungan at magbigay ng anumang impormasyon na makatutulong sa pagkilala sa mga suspek.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Parian Police Station, natutulog umano ang biktimang kinilalang si alyas “Ricson” sa duyan sa isang bakanteng lote sa Sitio Samayo, Barangay Lorega San Miguel nang pagbabarilin.

Ayon sa pinsan ng biktima, nakarinig sila ng mga putok ng baril ngunit hindi muna ito pinansin sa una.

Makalipas ang ilang sandali, narinig umano nila ang pagdaing ng biktima at natagpuan itong duguan sa tabi ng duyan.

Nakatanggap ng tawag para sa responde ang mga awtoridad dakong ala-1:30 ng madaling-araw at nadatnan nilang wala nang malay ang biktima.

Agad itong isinugod sa Cebu City Medical Center sakay ng police mobile ngunit nasawi rin makalipas ang ilang oras.

Sinabi ni Dinopol na isa sa mga tinitingnang motibo sa krimen ay personal na alitan.

Iniimbestigahan din ng mga awtoridad kung may kinalaman ang ilegal na droga sa insidente.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pinapangalanang suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here