Home METRO Kelot tiklo sa sextortion

Kelot tiklo sa sextortion

MANILA, Philippines- Inabisuhan ng Anti-Cybercrime Group of the Philippine National Police (PNP-ACG) ang publiko na burahin lahat ng larawan, video, at iba pang impormasyon sa kanilang mga cellphone bago ito ibenta.

Mas mainam, ayon kay PNP-ACG director Ronnie Francis Cariaga, iwasan ng mga magkasintahan, partikular ng mga kababaihan, na payagan ang kanilang partner na kuhanan sila ng larawan o video na nagpapakita ng kanilang mga pribadong sandali.

Inihayag ito ni Cariaga matapos maaresto ang isang cell phone store worker na pinagbantaan ang isang babaeng menor-de-edad na ipakakalat ang mga hubad na larawan at video nito kung hindi siya bibigyan ng pera.

Batay sa ulat mula sa Women and Children Cybercrime Protection Unit (WCCPU) ng PNP-ACG, sinabi ni Cariaga na nadakip ang suspek sa isang entrapment sa Payatas, Quezon City. 

“The suspect obtained these materials from the old phone of the minor victim’s ex-boyfriend which was swapped for a new one in a cellphone tiangge,” ani Cariaga.

Nahaharap ang suspek sa mga kasong paglabag sa RA 7610 (Child Abuse), Article 294 (Robbery with Intimidation of Person) of the Revised Penal Code, at RA 9995 (Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009), na may kaugnayan sa Section 6 ng RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012) at Section 4(c) (O) at (r) ng RA 11930 (Anti-OSAEC and CSAEM Act).

Binigyang-diin ni Cariaga ang kahalagahan ng pag-iingat sa personal data kapag nagbebenta o nakikipagpalit ng device, partikular ang mobile phones at iginiit ang pangangailangang siguraduhing nabura lahat ng datos, na-log out ang backup accounts, at nagsagawa ng factory reset.  

“These precautions are vital to ensure that the new owner cannot gain access to any private information,” wika ni Cariaga. RNT/SA