MAGPET, COTABATO- Ipinag-utos ng pamunuan ng barangay ng Bongolanon sa bayan ng Magpet, Cotabato ang pansamantalang pagsasara ng main entrance patungo sa popular na Tousuvan Falls sa paanan ng Mt. Apo, dahil sa landslide dulot ng malakas na pag-ulan noong Huwebes ng hapon.
Sinabi ng punong-barangay na si Suarez Apan na maaari pa ring bisitahin ang 300-meter waterfalls kaya lamang ay sa kalsadang nakatalaga para lamang sa exit sila daraan.
Ani Apan, maaari nitong labis na maapektuhan ang pagpunta at pag-alis sa lugar, na dinadayo dahil sa malamig nitong tubig.
Ayon pa kay Apan, sinisikap nilang maalis agad ang putik at debris sa apektadong daan.
Gumuho ang bahagi ng bundok na may taas na halos 15 talampakan dahil sa malakas na ulan.
Bagama’t tiniyak ni Apan na ligtas pa rin itong bisitahin, nilinaw niyang hindi muna nila pinapayagan ang mga bisita na manatili nang buong gabi dahil sa pabago-bagong weather conditions.
Isa ang Tousuvan Falls sa pinakakilalang destinasyon sa lugar, na may average na 150 bisita sa loob ng isang raw, at umaakyat sa 800 tuwing weekend. RNT/SA