Home METRO Barangay kagawad todas sa pamamaril!

Barangay kagawad todas sa pamamaril!

ILIGAN CITY- Patay sa pamamaril ang isang 57-anyos na barangay kagawad sa Barangay Dimayon, isang liblib na barangay sa Nunungan, Lanao del Norte, nitong Huwebes ng hapon.

Kinilala ng mga awtoridad ang biktimang si Otar Bada Alamada, lalaki, may asawa, konsehal ng Barangay Rebucon, Nunungan.

Batay sa imbestigasyon, nagtungo si Alamada sa Barangay Dimayon upang bisitahin ang kanyang mga kaanak nang agawin ng suspek na si Adam Mamorasa, nasa hustong gulang, residente ng Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte, ang dala nitong M16 rifle.

Pinagbabaril ni Mamarosa si Alamada kung saan nasugatan si B’ra Andam, 50, at Malik Guindo, 40, kapwa magsasaka at residente ng Barangay Dimayon.

Nagtamo si Alamada ng ilang tama ng baril at agad na binawian ng buhay.

Samantala, kahit sugatan, nagawa pa nina Andam at Guindo na maagaw ang baril mula kay Mamarosa at barilin din ito.

Nagtamo si Mamarosa ng tatlong tama ng baril at namatay din. Dinala ng mga pulis ang kanyang bangkay sa Saint Michael’s Funeral Homes sa Kapatagan, Lanao del Norte at nakuha na ng kanyang mga kaanak.

Base sa mga awtoridad, ang Dimayon ay isang liblib na barangay, halos 20 kilometro mula sa Nunungan police station. Walang mobile phone signal ang lugar at mapupuntahan lamang sa pamamagitan ng paglalakad.

Narekober ang pinaputok na cartridge cases para sa caliber 5.56mm at caliber 30mm sa crime scene.

Nagsasagawa na ang mga pulis ng follow-up investigation. RNT/SA