Home NATIONWIDE 57,683 pasado sa March 2024 Career Service Exams

57,683 pasado sa March 2024 Career Service Exams

MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Civil Service Commission (CSC) ang listahan ng mga nanguna sa Career Service Examination – Pen and Paper Test (CSE-PPT), kapwa Professional at Subprofessional levels, na isinagawa noong Marso 3, 2024.

May kabuuang 57,683 indibidwal, o 17.20 porsyento, ang pumasa sa pagsusulit. Sa 297,952 kandidato na kumuha ng CSE Professional level, 51,311 ang pumasa, nagresulta sa pass rate na 17.22 porsyento. Samantala, 6,372 sa 37,433 indibidwal ang pumasa sa Subprofessional level, na nakakuha ng pass rate na 17.02 porsyento.

“Congratulations once again to all who passed and a special commendation to the top performers. Your hard work has paid off, bringing you one step closer to joining the ranks of our 1.9 million dedicated civil servants nationwide,” pahayag ni CSC Chairperson Karlo Nograles sa isang news release nitong Biyernes.

Nakamit ni Viron Gil A. Estrada mula sa National Capital Region (NCR) ang pinakamataas na score sa CSE-PPT Professional level, na nakakuha ng rating na 97.30. Samantala, namayagpag naman si Mia Kimberly F. Noche mula sa Southern Luzon sa Subprofessional level nanakakuha ng top rating na 97.24.

Kabilang din sa listahan ng top passers para sa Professional level sina Micah Angelo R. Bacani (NCR) at Duke Donald R. Cotoco (NCR), kapwa nakakuha ng rating na 97.26; Kristine Kyla M. Catajay (Soccsksargen) sa 97.21; Andrei Josef A. Policarpio (NCR) sa 97.12; Jose P. Robredo (NCR) sa 97.07; Aubrey Camille J. Perez (NCR) sa 97.03; Norlyn Ann T. Villarin (NCR) sa 96.89; Aron S. Guese (NCR) sa 96.83; at Zarah Greycielle T. Cruz (Central Luzon) sa 96.79.

Sa Subprofessional level, sinundan si Noche ni Jacqueline D. Corral (Bicol Region) sa rating na 96.87; Joanalyn S. Constantino (NCR) sa 96.63; Elaine Grace Templa (NCR) sa 96.58; Arrel Keight R. Diamse (Central Luzon) sa 96.18; Niccole Benesha R. Santos (NCR) sa 96.12; Danah Arella D. Mateo (NCR) sa 96.05; Angelic Shayne I. Salmingo (Western Visayas) sa 96.03; Mheree Adelaide M. Flores (NCR) sa 96.01; at Benjamin Carlo A. Garcia (NCR) at Marcus J. Salvo (NCR) sa rating na 95.97.

Sa regional performance, nakamit ng Southern Tagalog ang pinakamataas na passing rate sa 23.36 porsyento, kung saan 9,473 ang pumasa mula sa 40,549 examinees para sa dalawang lebel ng CSE-PPT. Sinundan ito ng NCR sa 23.30 porsyentong passing rate, o 12,690 passers mula sa 54,468 examinees. Kabilang din sa top-performing regions ang Central Luzon na may 23.12 porsyentong passing rate, Cagayan Valley sa 19.26 porsyento, at ng Cordillera Administrative Region sa 18.23 porsyento.

Makikita ang kumpletong listahan ng mga pumasa sa March 3, 2024 CSE-PPT sa CSC website sa csc.gov.ph. RNT/SA