BULACAN, Philippines – Arestado ang isang lalaki matapos mahulihan eskwaladong baril sa entrapment operation ng pulisya sa lungsod ng Baliwag.
Sa report ni PLTCOL Jayson San Pedro, hepe ng Baliwag police station, kinilala ang suspek na si alyas “Jr”, 31, residente ng Sitio Tumana, Brgy. San Jose.
Ayon sa report, ikinasa ang operasyon ng mga tauhan ng Baliwag police station bandang 1:30 ng madaling araw nitong Agosto 12 sa Brgy. Sto Cristo.
Nabatid na naaresto ang suspek nang mabilhan ng undercover operative ng cal. 45 pistol sa halagang P2,000 na walang serial number, magazine na may tatlong bala at P2,000 marked money.
Nahaharap sa kaukulang kaso ang suspek habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. (Dick Mirasol III)