Home METRO Kelot timbog sa baril sa Pasay

Kelot timbog sa baril sa Pasay

Larawan kuha ni Jimmy Hao

MANILA, Philippines- Nadakip ng mga tauhan ng Pasay City police ang isa sa mga umano’y suspek sa pagnanakaw sa Metro Manila na may dalang baril Huwebes ng madaling araw, Mayo 8.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col Joselito De Sesto ang inarestong suspek na si Elias Ocenar, 41, umano’y bodyguard, at residente ng No. 50 Villa Coastal, Ilaya, Las Pin̈as City.

Base sa report na isinumite ni De Sesto sa Southern Police District (SPD), nangyari ang pag-aresto sa suspek bandang alas-4:30 ng umaga sa harap ng Petron gasoline station na matatagpuan sa kahabaan ng Macapagal Boulevard, Barangay 76 Zone 10, Pasay City.

Sinabi ni De Sesto na sa inisyal na imbestigasyon, nakatanggap ng impormasyon sa chat group ng mga opisyal ng lokal na kapulisan si P/Maj James Naval, SS10 commander ng MOA Police Community Precinct, tungkol sa mga hindi kilalang motorcycle riders na itinuturing na armado at peligroso.

Agad na iniutos ni Naval ang pagsasagawa ng Oplan Sita operations sa Macapagal Boulevard malapit sa Petron gas station kung saan namataan ang dalawang motorsiklo na lumihis ng daan matapos makita na may checkpoint sa lugar.

Hinabol ng mga operatiba ang dalawang motorsiklo kung saan namataan pang bubunot ng baril na nakasukbit sa kanyang tagiliran ang isa sa mga suspek ngunit agad na nasukol ito matapos na maharangan ng mobile patrol ang kanyang sinasakyang motorsiklo na nagresulta ng kanyang pagkakaaresto habang nakatakas naman ang kasama nito patungo sa kalapit lungsod ng Paranaque.

Narekober sa posesyon ng suspek ang isang Glock 23 Gen5 na kalibre .40 na kargado ng magazine na mayroong 13 bala, dalawa pang magazine na ang bawat isa ay naglalaman ng 13 bala, at ang gamit nitong kukay itim na TMAX Yamaha na motorsiklo (888TPZ) kung saan nakakumpiska pa dito ng isang extended magazine na kargado naman ng 40 bala.

Base sa salaysay ng suspek, sinabi ni De Sesto na walang intensyong manggulo sa eleksyon ang suspekat nagmo-monitor lamang sila at kumukuha ng video sa mga nagbo-vote buying.

Nang tanungin ng media kung sino ang nag-utos sa kanila na gawin ang mga iyon ay napag-alaman sa suspek na sinabi ng kanyang kausap na si alyas Jay na galing ito sa isang tumatakbong pagka-alkalde ng lungsod at nang tanungin naman kung bakit siya may dalang baril ay kanyang ikinatwiran na ito ay para lamang sa kanyang self-defense.

Kasabay nito ay sinabi ni De Sesto na magsasgawa na rin sila ng malalimang imbestigasyon upang malaman kung ang kanilang nadakip na suspek ay may koneksyon sa Metro Manila robbery group partikular sa insidente ng robbery na naganap sa isang Japanese restaurant sa Makati City nitong nakaraang Mayo 4.

Kasalukuyang nakapiit sa Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) ng Pasay City police ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) na may kaugnayan sa Republic Act 7166 (Omnibus Election Code) sa Pasay City Prosecutor’s Office. James I. Catapusan