Home TOP STORIES Manny Villar buo-suporta kay Camille

Manny Villar buo-suporta kay Camille

Las Piñas City — Buong suporta ang ibinigay ni dating Senate President at Nacionalista Party chairman Manny Villar sa kanyang anak na si Camille Villar, na tumatakbo bilang senador sa nalalapit na halalan sa Mayo 12.

Kasama niyang nagpakita ng suporta ang asawang si Sen. Cynthia Villar, na kasalukuyang tumatakbo bilang kinatawan sa Kongreso, sa pagtatapos ng 90-araw na kampanya.

Sa ginanap na Miting de Avance nitong Biyernes sa The Tent, nagpahayag si Manny Villar ng buong tiwala sa kakayahan ng kanyang anak:

“Si Camille, sa ano mang aspeto, hindi tayo mapapahiya dito. Nag-congresswoman, Deputy Speaker kaagad. Sa talino, wala tayong masasabi. Sa mga nagawa, wala tayong masasabi. Sa pagandahan, lalong wala tayong masasabi,” ani Villar.

Dinagdag pa niya na, “Talagang maipagmamalaki natin siya.”

Higit 5,000 katao ang dumalo sa pagtitipon, kung saan ipinagmalaki naman ni Sen. Cynthia Villar ang mga proyektong nagawa ng kanilang pamilya para sa Las Piñas, kabilang ang 40-kilometrong Riverdrive na nagpabilis ng biyahe mula Las Piñas patungong Cavite at mga kalapit-lungsod.

Nakiisa rin sa okasyon si Sen. Mark Villar upang ipakita ang suporta sa kanyang kapatid.

Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si Camille Villar sa mga taga-Las Piñas para sa kanilang patuloy na suporta, habang inilahad ang mga pagsubok sa kampanya:

“Hindi po naging madali ang eleksyon at kampanyang ito. Marami po tayong hinarap na paninira. Pag nakikita ko po kayo, binibigyan nyo po ako ng lakas ng loob,” ani Camille.

Pinasalamatan din niya ang kanyang mga magulang sa pagtuturo ng sipag, tiyaga, at pagmamahal sa paglilingkod-bayan.

Tiniyak ni Camille Villar na pagtutuunan niya ng pansin ang mga proyektong pang-imprastruktura, bilang hakbang tungo sa pag-unlad ng bansa, kasabay ng iba pa niyang mga adbokasiya. RNT