Sa pagsasgawa ng casing at surveillance operation ay nadakip ng mga miyembro ng Las Piñas City police Station Intelligence Section (SIS) ang isang 33-taong-gulang na lalaki na may dalang gun replica at granada Lunes ng gabi, Agosto 12.
Kinilala ni Las Piñas City police chief P/Col. Sandro Jay Tafalla ang nadakip na suspect na si alyas Rigor, 33.
Base sa report na isinumite ni Tafalla sa Southern Police District (SPD), naganap ang pag-aresto kay alyas Rigor dakong alas 7:30 ng gabi sa Barangay Pulang Lupa Uno, Las Piñas City.
Ayon kay Tafalla, habang nagsasagawa ng surveillance operation ang mga tauhan ng SIS ay natiyempuhan nila ang suspect na may hawak na baril.
Sinita ng mg operatiba ang suspect at sa patuloy na pagsasaliksik ay nadiskubre ang isang granada na nakalagay sa loob ng kanyang bitbit na sling bag.
Agad na dinala sa Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS) para sa pagsasagawa ng dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa suspect na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Las Piñas City police. (James I. Catapusan)