PANGASINAN-Nasa ospital ngayon ang isang 44-anyos na construction worker matapos tagain sa ulo ng kanyang lalaking nakaalitan sa Brgy. Amalbalan, Dasol ng lalawigang ito kahapon, Oktubre 23.
Nagtamo ng malalim na sugat sa kaliwang bahagi ng kanyang ulo ang biktima samantalang arestado naman ang suspek na isang 40-anyos na welder, parehong residente ng naturang lugar.
Sa imbestigasyon, ang biktima ay nasa bahay ng kanyang pinsan at nag-iinuman sila nang anyayahan nila ang suspek na makisalo sa kanilang inuman.
Makalipas ang ilang sandali, nagkaroon ng mainit na pagtatalo sa pagitan ng suspek at ng biktima.
Sa gitna ng kanilang mainit na pagtatalo, napansin umano ng suspek ang isang bolo (malaking kutsilyo) sa kusina.
Mabilis niya itong kinuha at saka tinaga sa ulo ng isang beses ang biktima.
Agad na isinugod sa Dasol Community Hospital ang biktima. Rolando S. Gamoso