ILOCOS SUR- Kalawit ni kamatayan ang sumalubong sa isang 22-anyos na lalaki matapos sumemplang sa kalsada at bumangga sa isang road sign ang minamaneho nitong motorsiklo sa Brgy. Lacong, Tagudin ng lalawigang ito kagabi, Enero 8.
Ayon sa mga otoridad, ang biktima ay residente ng Brgy. Bimmanga ng naturang bayan.
Base sa imbestigasyon, minamaneho ng biktima ang Rusi 150 motorcycle at bumibiyahe papuntang hilagang direksyon sa kalsada sa naturang lugar.
Pagdating nito sa pakurbang bahagi ay nawalan ng kontrol sa manibela ng sasakyan ang driver hanggang sa umislayd sa kalsada ang kanyang motorsiklo at saka bumangga sa isang road sign.
Dahil dito, nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan ang biktima.
Ang biktima ay isinugod sa Ilocos Sur District Hospital sa naturang bayan ng mga rumespondeng MDRRM personnel.
Gayunman, ang biktima ay hindi na nagawang isalba pa ng umatending doktor. Rolando S. Gamoso