ILOCOS SUR- Patay ang isang 46-anyos na lalaki matapos malunod nang tangkain nitong iligtas ang nalulunod na anak sa dagat sa Brgy. Sived, Sto. Domingo ng lalawigang ito kahapon, Enero 8.
Ayon sa mga otoridad, ang biktima ay isang bus conductor, residente ng Brgy. An-annam, Bantay, Ilocos Sur.
Nabatid na habang naliligo sa dagat ang anak na lalaki ng biktima ay napansin ng ama na nalulunod na ang kanyang anak kaya agad niya itong sinaklolohan.
Gayunman, ang mag-ama ay parehong hinila ng malakas na kuryente ng tubig.
Nakita naman ng isang pamangkin lalaki ng biktima ang nangyari kaya agad niyang sinubukang sagipin ang mag-ama ngunit tanging ang anak lang ng biktima ang nagawa niyang sagipin dahil sa malakas na hatak ng tubig.
Tatlong tanod naman sa naturang barangay ang agad na tumulong nang malaman nilang hindi pa nasasagip ang biktima.
Nang maiahon sa tubig ang biktima, isinugod ito sa Ilocos Sur District Hospital sa Magsingal, Ilocos Sur.
Ang biktima ay idineklarang dead on arrival ng umatending doktor. Rolando S. Gamoso