MANILA, Philippines – Nakatakdang magpatupad ng mas mahigpit na regulasyon sa campaign materials sa ilalim ng “Operation Baklas” sa pagsisimula ng opisyal na campaign period sa national candidates sa Pebrero 11, 2025.
Binigyang-diin ni Comelec Chairman George Garcia na ang local Comelec offices ay aktibong tatanggalin ang mga campaign materials na hindi sumusunod sa limitasyon ng sukat o ang nagpapaskil sa hindi otorisadog public spaces.
Magpapatupad din ang Comelec ng mas mahigpit na hakbang laban sa pagbili ng boto at pagbebenta ng boto.
Ayon sa Comelec, maaaring mag-ulat ang mga mamamayan ng mga insidente –kabilang ang mga larawan o video –sa Committee on Kontra Bigay.
Paliwanag ni Garcia, ipapalagay ng Comelec na sangkot ang isang kandidato sa pagbili ng boto kung may mga kahina-hinalang aktibidad na magaganap malapit sa kanilang tirahan o punong tanggapan.
Sa ganitong mga kaso, maglalabas ang Comelec ng show cause order na nangangailangan ng kandidato na magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat ma-disqualify o makasuhan ng election offense.
Susubaybayan din ng komisyon ang potensyal na pagbili ng boto sa pamamagitan ng mga platform ng e-wallet.
Kabilang rin sa babantayan ng komisyon ang pamamahagi ng ayuda o tulong pinansyal , sampung araw bago ang halalan dahil ito ay ipinagbabawal. Jocelyn Tabangcura-Domenden